Pinakikilos ni Senator Ramon Revilla ang Philippine National Police (PNP) kaugnay sa mga ulat na kumakalat sa social media tungkol sa pagdukot sa mga menor de edad na babae gamit ang isang puting van gayundin ang mga kaso ng sexual assault at panghahalay.
Giit ni Revilla, hindi dapat minamaliit ng kapulisan ang ganitong mga ulat lalo’t noon pa paulit-ulit lumalabas sa social media ang mga krimen ng pagdukot.
Nagpadala ng liham si Revilla kay PNP Chief General Rodolfo Azurin Jr., kung saan hiniling ng senador na seryosong tutukan ng PNP ang mga nasabing ulat ng krimen.
Tinukoy ng senador na ang mga kaso ng pagdukot sa mga kababaihang menor de edad ay ikinaalarma na ng maraming magulang lalo’t ito ay napaguusapan na sa dyaryo, radyo at sa telebisyon.
Iginiit ni Revilla na mahalagang aksyunan agad ito ng PNP upang malaman ang katotohanan sa ulat o kaya ay mapabulaanan agad upang matigil na ang paghahasik ng takot sa mga komunidad.
Pinatutugis din ni Revilla sa PNP ang mga nasa likod ng pagkakalat ng nakakabahalang balita na ito lalo kung mapatunayang wala itong katotohanan.