Aminado si Philippine National Police (PNP) Chief General Benjamin Acorda Jr., na iba-iba ang bilis ng pagresolba sa mga administratibong kaso na kinasasangkutan ng mga pulis.
Ang pahayag ay ginawa ni Acorda matapos ang pagkwestyon sa kung bakit hindi pa rin naalis sa serbisyo ang isang tauhan ng Navotas City Police na sangkot sa pagpatay kay Jemboy Baltazar na dati nang may dismissal order.
Ani Acorda, depende kasi sa mga dokumento at ebidensya ang bilis nang tinatakbo ng pagresolba ng kaso.
Kasunod nito, nagpulong na aniya sila nina Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Benhur Abalos at National Police Commission (NAPOLCOM) Vice Chairman at Executive Officer Atty. Alberto Bernardo hinggil sa mga hindi pa nareresolbang kaso ng PNP.
Aniya, pinapakuha niya ang lahat ng mga kaso ng mga pulis na nasa NAPOLCOM para ito ay maisalang sa review at matiyak na hindi ito napapabayaan.