Isinasapinal na lamang ng Philippine National Police (PNP) ang Anti-Illegal Drug Campaign Roadmap 2024-2028.
Ayon kay PNP Chief PGen. Rommel Francisco Marbil, isa itong strategic framework na layong paigtingin ang kampanya kontra iligal na droga pero kumikilala sa karapatang pantao at nagtataguyod sa isang bloodless at community-oriented campaign kontra illegal drugs.
Paliwanag ni Marbil, ang roadmap na ito ay hango sa mga hard-earned lesson mula sa nakalipas na mga kampanya kontra ilegal na droga at pagsasakripisyo ng mga pulis sa paggampan sa kanilang tungkulin.
Testamento rin aniya ang recalibrated roadmap na ito ng kanilang dedikasyon na protektahan ang buhay at igalang ang karapatang pantao para makamit ang drug-free Philippines sa hinaharap.
Sinabi pa ni Marbil na alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., misyon nilang magsagawa ng intensified anti-illegal drug operations, tiyakin ang pagpapanagot sa mga sangkot sa paggawa at bentahan ng droga at ipalaganap sa publiko ang masamang epekto ng drugs katuwang ang LGUs at iba pang mga stakeholder.