PNP, pinawi ang pangamba ng CHR hinggil sa pag-aresto ng mga indibidwal na sangkot sa ilegal na droga

Nangako ang Philippine National Police (PNP) na ipatutupad ang batas nang may respeto sa karapatang pantao at due process.

Ito’y kasunod ng pangamba ng Commission on Human Rights (CHR) sa ikakasang mas pinaigting na operasyon ng PNP laban sa ilegal na droga.

Ayon kay PNP Chief PGen Nicolas Torre III, kanyang pinaalalahanan ang mga pulis na maging mas aktibo sa pag-aresto ng mga sangkot sa droga.

Aniya hindi ito basta paramihan ng huli, kundi pagpapalakas ng mas mabilis, makatao, at makatarungang pagpapatupad ng batas.

Giit pa ni Torre, lahat ng pag-aresto ay kailangang may warrant o sapat na legal na batayan kung saan patuloy rin ang pagsasanay ng mga pulis sa paggamit ng non-lethal tactics at makataong pagtrato sa mga dinadakip.

Tiniyak naman ng Pambansang pulisya sa publiko at sa CHR na ang kanilang kilos ay naaayon sa batas o batay sa Saligang Batas, Revised Rules of Criminal Procedure at PNP Operational Procedures.

Facebook Comments