Tiniyak ni Philippine National Police (PNP) Chief Guillermo Eleazar na ang planong pag-aarmas sa mga anti-crime civilian volunteers ay purong para sa proteksyon.
Sa isang pahayag, kinilala ni Eleazar ang pagkabahala ng Commission on Human Rights (CHR) sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na armasan ang mga civilian volunteers para makatulong sa pagsugpo ng krimen sa bansa.
Pero ayon sa PNP chief, ang suhestyon ng Pangulo ay para hikayatin ang bolunterismo at hindi ang pagpatay.
Tiniyak din ni Eleazar sa CHR na sasailalim ang mga anti-crime volunteers sa mga patakaran at proseso ng pagkakaroon at pagdadala ng baril.
Kabilang aniya rito ang License to Own and Possess Firearms (LTOPF) na isang requirement bago payagang makabili ng baril ang isang sibilyan gayundin ang Permit to carry Firearms Outside Residence (PTCFOR).
Dagdag pa ni Eleazar, ang panukalang armasan ang civilian volunteers ay para sa kanilang proteksyon at hindi hahayaan ng PNP na masangkot sila sa aktwal na paglaban sa mga kriminal.