
Planong ipagbawal ng Philippine National Police (PNP) na makahawak muli ng baril ang mga lumabag sa Commission on Elections (COMELEC) gun ban.
Ayon kay PNP Chief PGen. Rommel Francisco Marbil, nais nyang ipatupad ang “lifetime ban” sa mga ito kung saan wala silang sasantuhin o sisinuhin.
Nangangahulugan ito na sasakupin ng kautusan kahit hindi mga sibilyan basta’t lalabag sa COMELEC gun ban.
Sa ngayon, ani Marbil inaaral na nila ang batas at nakikipag-usap na rin sila sa mga abugado para sa legalidad ng ilalabas na kautusan.
Ang planong ito ng PNP ay bunsod ng road rage sa Antipolo City kahapon na ikinasugat ng 4 na indibidwal.
Samantala, kanina binigyan ng Medalya ng Kagalingan ni Marbil ang 8 pulis sa Antipolo na mabilis na rumesponde sa nasabing road rage.