PNP Region 8, nagsasagawa ng Eleksyon Tokhang sa mga kumakandidato

TACLOBAN CITY – Sa pagsugpo ng PNP sa illegal na droga, isa sa mga programa ng mga kapulisan ang Oplan Tokhang kung saan kinakatok ng mga pulis ang bahay at pinapakiusapan sumurender na ang nadadawit sa illegal na droga.

Ngayong Barangay at SK Elections, nagsasagawa naman ng Election Tokhang ang PNP Region 8 na kung saan binibisita ng mga kapulisan ang bahay ng mga kumakandidato sa Barangay at pinapakiusapan na hangga’t maari ay huwag gumawa ng anomang gulo ngayong Halalan.

Ayon kay PSSupt. Leonardo Suan, deputy Regional Director for operations, binibisita nila ang mga barangay na may record ng kaguluhan noong nakaraang eleksyon.


“Binibisita natin lalo na ang mga barangay na may mga record dati, pinupuntahan ng ating mga kapulisan yan binibisita at kinakausap tong mga candidate na wag kayong mag-ano [gumawa] ng gulo ngayong eleksyon para walang sakitan.”

Sa pamamagitan ng Intellegence report, tukoy narin ng PNP Region 8 ang mga barangay sa Rehiyon na inaasahang magkakaroon ng kaguluhan sa darating na Barangay at SK Elections.

Dagdag pa ng opisyal hindi nila napupuntahan ang mga malalayong lugar para sa Election Tokhang kung saan mayroong shooting incident.

“Ang problema lamang namin ay hindi namin maabot ang mga lugar doon sa mga interior lalo na doon sa Las Navas or Lope de Vega. Actually, itong mga shooting incident nangyari ito doon sa mga interior, within the City of Calbayog wala pong nangyayaring ganyan.”

Facebook Comments