Umabot na sa 20 indibidwal ang naitatalang nasawi dahil sa pananalasa ng Bagyong Agaton sa Region 8.
Ito ang iniulat ni Philippine National Police (PNP) Region 8 Regional Director Bgen. Bernard Banac.
Aniya, huling nakita ang dalawang bangkay kahapon ng umaga sa Baybay City kaya umakya sa 20 ang kanilang naitatalang nasawi hanggang kahapon.
Habang ang 14 na bangkay ay natagpuan sa Mailhi, 3 naman sa Kantagnos at isa sa Bunga.
Pero ayon kay Bgen. Banac, isasailalim pa sa validation ang 20 para matukoy kung talagang sila ay namatay dahil sa hagupit ng Bagyong Agaton.
Samantala, may 198 na pulis sa kasalukuyang naka-deploy sa mga lugar na apektado ng Bagyong Agaton.
Ayon kay PNP Public Information Office (PIO) Chief PBGen. Roderick Augustus Alba, bahagi ito ng Disaster Response Operational Procedure ng PNP na ipinatupad bago pa man nanalasa ang bagyo.
Aniya, patuloy na tumutulong sa mga Local Government Units (LGU) ang mga pulis sa pag-evacuate ng mga tao mula sa mga geohazard areas.
Nagsasagawa rin sila ng mga rescue operations sa mga na-stranded dahil sa baha dulot ng matinding ulan dahil sa epekto ng bagyo sa Eastern Visayas at CARAGA Region.