PNP Region II, Iniimbestigahan na ang mga Security Escorts sa Nasunog na VCM sa Jones, Isabela!

Sinisiyasat na ng PNP Region II kung bakit walang security escorts ang mga Electoral Boards na magdadala sana ng mga balota at election paraphernalia sa munisipyo ng Jones mula sa kanilang pinagsilbihang polling precint sa Dicamay Uno at Dicamay Dos ng nasabing bayan.

Sa panayam ng 98.5 RMN Cauayan kay P/BGen. Jose Mario Espino, malinaw umano sa kanilang usapan at plano katuwang ang mga sundalo na bago ang takdang halalan ay magbibigay sila ng mga security escorts sa mga nasabing lugar dahil na rin sa presensiya ng mga makakaliwang grupo.

Isa sa kanilang iniimbestigahan ay kung bakit hindi nakipag ugnayan ang mga Electoral Boards sa mga sundalo at pulis bago umalis sa barangay bago dalhin ang mga balota at VCM sa munisipyo at kung ano ang naging pagkukulang ng mga naitalagang sundalo sa lugar.


Kaugnay nito, ipinatawag na rin ni General Espino ang mga tao na dapat sumagot sa mga katanungan kaugnay sa naganap na insidente ng pagsunog sa dalawang VCM at mahigit kumulang 200 na mga balota.

Kanyang tiniyak na ilalabas rin ng PNP ang anumang resulta ng kanilang isinasagawang imbestigasyon at handa nilang panagutin sa batas ang sinumang mapapatunayang responsable sa krimen.

Samantala, nasampahan na ng kasong Serious Illegal Detention at Robbery ang dalawang sumukong suspek na sina Rodel Pascual at Jayson Leano na kapwa residente ng Brgy Sta. Isabel, Jones, Isabela at umano’y dating miyembro ng Private Armed Group (PAG).

Facebook Comments