Inutusan na ni Philippine National Police (PNP) Deputy Chief for Administration at Administrative Support to COVID-19 Operations Task Force (ASCOTF) Commander Pol. Lt. Gen. Guillermo Eleazar ang mga regional ASCOTF commanders na maghanap ng karagdagang isolation facilities.
Ayon kay Eleazar, batay na rin ito sa utos ni PNP Chief Pol. Gen. Debold Sinas na maglatag ng mga contingency measures dahil sa maaring paglobo ng mga kaso ng COVID- 19 sa kanilang hanay.
Inatasan na rin ang mga regional ASCOTF commanders na makipag-ugnayan sa kani-kanilang mga Health Service at Logistics Service Units para sa mga kagamitan na kailangan sa mga tutukuying isolation facilities.
Ayon Kay Eleazar, mula nitong March 15 hanggang sa kasalukuyan, sunod-sunod na araw na nakapagtala ang PNP ng mahigit 100 bagong kaso ng COVID-19 sa kanilang hanay.
Batay sa huling datos ng ASCOTF, nasa 2,245 na aktibong kaso ng PNP, 495 kaso o 22.0% ang nasa Camp Crame, 895 kaso o 39.9% ang nasa labas ng Camp Crame pero sa loob ng National Capital Region (NCR) at 855 kaso o 38.1% ang nasa mga Police Regional Offices.
Para kay Eleazar, mahalaga na may “full support system” ang PNP para sa kanilang mga tauhan na tinamaan ng COVID-19 nang sa ganun mapigilan ang pagkalat ng sakit sa kanilang hanay at mapanatiling mataas ang kanilang recovery rate.