Vineto ni Pangulong Bongbong Marcos ang panukalang PNP Reorganization Bill.
Sa veto message na ipinadala ni Pangulong Marcos kay Senate President Francis Escudero na may petsang July 5, nakasaad na kinikilala ng pangulo ang magandang intensyon ng panukala.
Magkagayunman, bilang chief executive ay nais niyang matiyak na makapaghahatid ng kinakailangang reporma ang panukalang batas, tumutugon sa civil service laws, sa salary standardization policies at base pay schedules at umaayon sa administrative budgetary policies.
Tinukoy ng pangulo na ang ilang probisyon ng panukala ay taliwas sa administrative policy at efficiency ng gobyerno.
Kabilang sa mga dahilan ng pagbasura sa bill ang maaaring malikha na distortion o pagbaluktot sa sweldo ng mga pulis kapag itinaas ang status ng Philippine National Police Academy cadets tungo sa police cadets na suswelduhan ng Salary Grade 21.
Dagdag pa rito ang pagsalungat sa rightsizing policy dahil lilikha ng maraming pwesto sa pamunuan ng PNP, pagkakaroon ng redundant positions dahil sa mag-institutionalize sa area ng police command, at ang pagkakaroon ng hiwalay na liaison office ng PNP sa Office of the President at sa Department of the Interior and Local Government na maaaring magresulta ng security at confidentiality risks.