Inginuso ng Philippine Navy ang Sasa Davao City Police Station sa pagsasampa ng mas magaan na kaso laban sa dalawang Filipino crew at dalawang undocumented Indonesian nationals na lulan ng bangka na may dala-dalang smuggled na mga sigarilyo sa Saranggani, Davao Occidental noong Sept. 14, 2023.
Ayon kay LCDR. Jerome Mauring, public affairs officer ng Phil. Navy ng Naval Forces Eastern Mindanao noong mahuli nila ang mga tripulante agad nila itong itinurn over sa Sasa police station para sa documentation.
Aniya, ang Sasa police din ang nagkaso sa mga ito ng illegal entry.
Pagbibigay diin ni LCdr. Mauring, paulit-ulit nang ginagawa ng mga ito ang nasabing smuggling activities pero illegal entry lamang ang ikinaso ng mga pulis laban sa dalawang undocumented Indonesian nationals.
Sinabi pa nito na makikipag-ugnayan siya sa kanilang staff intelligence hinggil sa itinatakbo ng kaso.
Samantala, base sa mga lumabas na ulat, ang pagkakahuli sa P11 million halaga ng smuggled na sigarilyo ay ‘decoy’ lamang umano upang palusutin ang may 2,000 hanggang 2,500 master cases ng imported na sigarilyo na nagkakahalaga ng P125 milyon.
Ilan lamang sa brand ng sigarilyo na ipinuslit ay Guading Baru, Gajah Baru, Surya Baru, Gudang Garam at Gadang Baru, bukod sa pekeng branded cigarettes tulad ng Marlboro, Philip Morris at Winston.
Kung matatandaan, June 2023 nang madiskubre ng mga awtoridad na ang ilang shabu na nasa Pilipinas ngayon ay ‘Made in Indonesia.’
Naipapasok umano ito sa pamamagitan ng mga pantalan sa Mindanao at nakaipit sa mga kahon-kahong smuggled na sigarilyo.