Posibleng madagdagan pa ang mga kasong isasampa ng Philippine National Police (PNP) laban kay Vice President Sara Duterte at iba pang personalidad.
Ayon kay PNP PIO Chief PBGen. Jean Fajardo, patuloy pang kumakalap ng ebidensya ang kanilang mga imbestigador bago tuluyang magsampa ng karagdagang reklamo.
Ito’y matapos ang komosyon sa nangyaring paglilipat ng ospital sa chief of staff ni VP Sara na si Undersecretary Zuleika Lopez.
Una nang sinabi ni Fajardo na matibay ang mga kasong isinampa nila laban sa bise presidente.
Kabilang sa mga kasong kanilang isinampa sa QC prosecutor’s office ay Direct Assault, Disobedience, at Grave Coercion laban kina VP Sara, Col. Raymund Dante Lachica, Chief Security Detail ng bise presidente at ilang John at Jane Does.
Matatandaang sinabi ni PNP Chief General Rommel Francisco Marbil na ang patong-patong na kasong isinampa laban kay VP Sara at iba pa ay constitutional duty ng PNP at hindi politically-motivated.