PNP, sinigurong hindi lang droga ang tutukan kundi lahat ng krimen

Binigyang-diin ng Philippine National Police (PNP) na hindi lang droga kundi lahat ng klase ng krimen ang babantayan ng mga pulis.

Ito ang nilinaw ni PNP Chief PGen. Nicolas Torre III kasunod ng utos ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na panatilihin ang kaayusan at kapayapaan sa buong bansa.

Ayon kay Torre, obligasyon ng kapulisan na rumesponde sa anumang reklamo ng mamamayan.

Kung may lumapit na biktima o may reklamo, natural lang aniya na may aksyon, kabilang na ang pag-aresto kung kinakailangan.

Giit pa ni Torre, hindi dapat nauuwi sa karahasan ang mga pag-aresto kung saan dapat sundin ang due process at igalang ang karapatang pantao.

Paalala pa nito kung walang abogado ang isang akusado, may libreng legal na tulong mula sa Public Attorney’s Office (PAO).

Hinimok din ni Torre ang publiko na isumbong ang mga abusadong pulis dahil bukas ang Internal Affairs Service, People’s Law Enforcement Board, NAPOLCOM, DILG, Ombudsman, at kahit ang media para tumulong sa mga biktima ng pang-aabuso.

Facebook Comments