PNP, sinisiguro na maipapatupad pa rin ang quarantine protocols sa mga sementeryo sa darating na Undas

Siniguro ng Philippine National Police (PNP) na masusunod ang ipinatutupad na quarantine protocols sa mga sementeryo o kolumbaryo sa darating na Undas.

Kaugnay nito, inatasan na ng PNP ang mga unit commanders nito na tiyaking masusunod ang mga ipinatutupad na quarantine protocols sa mga sementeryo at paigtingin ang seguridad sa anumang oras.

Ayon kay Police Lt. General Guillermo Eleazar, Commander ng Joint Task Force COVID-19 Shield, inabisuhan nila ang lahat ng mga tauhan at opisyal ng PNP na makipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan hinggil sa ipatutupad na mga panuntunan sa mga bibisita sa mga sementeryo tulad ng pagsusuot ng face mask, face shield, at physical distancing.


Sinabi pa ni Eleazar na kanilang ipinauubaya sa mga namumuno sa lokal na pamahalaan ang mga dapat gawin at kung may pagbabago sa mga umiiral na protocols basta’t nasusunod nito ang inilatag na guidelines ng pamahalaan.

Nagpaalala naman si Eleazar sa publiko hinggil sa mga bawal dalhin sa mga sementeryo o kolumbaryo gaya ng mga alak, matatalim na bagay at iba pa.

Facebook Comments