PNP Solana, Wagi bilang 1st Place sa CSOP program ng NAPOLCOM

Cauayan City, Isabela- Hinirang na First Place ng National Police Commission sa buong bansa ang Solana Police Station sa katatapos na programang “Recognition of Best Practices on Community Service Oriented Policing (CSOP) System during Pandemic” noong Setyembre 3, 2021.

Ito ay bahagi ng pagdiriwang ng 27th National Crime Prevention Week ng NAPOLCOM.

Layunin ng CSOP Best Implementers award ay kilalanin ang mga Unit/Office at Stakeholder na ang mga ginawang pagsisikap sa Community Service ay nakatulong sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa kani-kanilang mga komunidad at kung saan ang mga halimbawa ay nagbigay inspirasyon sa kanilang mga komunidad na suportahan ang Cagayan PPO at ang buong hanay ng kapulisan.


Masayang tinanggap ni Solana Chief of Police PCapt. Samuel Lopez ang parangal na iginawad ng NAPOLCOM sa pangunguna ni Regional Director Manuel Pontanal.

Samantala, kabilang rin sa mga kinilala ng NAPOLCOM ang ambag sa komunidad ng First Provincial Mobile Force Company sa pangunguna ni PLt/Col. Wilson Odorio para sa Special Category.

Pinarangalan din ng NAPOLCOM si Mayor Washington Taguinod ng LGU Peñablanca; Mr. Juan Aguilar, Operations Manager ng Willy’s Trading; Brgy. Captain Bryan Paul Vargas; Presidente ng Liga ng mga Barangay – Cagayan Chapter at Ex-Officio Board Member; at Engr. Alfonso Taccad, Assistant General Manager for Finance, Charity Game of Chance Corporation para naman sa Best Implementers for Stakeholder Category.

Ginawa ang nasabing paggawad ng parangal sa Camp Tirso H. Gador, Tuguegarao City, Cagayan na dinaluhan ni PCol. Renell Sabaldica, Provincial Director, Cagayan Police Provincial Office.

Facebook Comments