PNP SOSIA, maghihigpit ng seguridad sa mga terminal ng bus kasunod ng nangyaring insidente sa Carangglan, Nueva Ecija

Magpapatupad ang Philippine National Police (PNP) Supervisory Office for Security and Investigation Agencies ng mas mahigpit na seguridad sa mga bus terminal.

Ito ay bilang paghahanda sa inaasahang pagdagsa ng mga pasaherong magsisiuwian sa kani-kanilang mga lalawigan ngayong panahon ng Kapaskuhan at bunsod ng brutal na pamamaril sa mag-live in partner sa loob ng bus sa Carangglan, Nueva Ecija.

Ayon kay PNP-SOSIA Chief PBGEN. Gregory Bogñalbal, maglalabas sila ng panibagong direktiba sa mga sekyu na paigtingin pa ang isinasagawa nilang pagbabantay upang matiyak ang kaligtasan ng mga pasahero sa loob ng mga terminal.


Kabilang na rito ang mandatoryong pag i-inspeksyon sa mga bagahe ng mga pasahero at paggamit ng mga metal detector at canine sniffing dogs.

Kasunod nito, nagbabala ang PNP SOSIA sa lahat ng security guards na mapapatunayang nagkaroon ng pagkukulang at kapabayaan sa pagpapatupad ng seguridad sa mga terminal.

Aniya, may parusang ipapataw sa mga ito mula P10,000 hanggang P100,000 kung saan maaari pa silang masibak sa serbisyo.

Facebook Comments