PNP: Sunog na naitala sa ilang paaralan sa Mindanao, hindi nakaapekto sa eleksyon

Hindi nakaapekto sa nagpapatuloy na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) ang nangyaring sunog sa ilang paaralan sa Mindanao.

Ayon kay Philippine National Police (PNP) Chief PGen. Benjamin Acorda Jr., patuloy ang imbestigasyon nila hinggil sa nasabing insidente.

Sa impormasyong nakalap ng PNP, nakapagtala ng apat na magkakahiwalay na insidente ng sunog na tumupok sa apat na paaralan sa Maguindanao at Lanao del Norte.


Ang isa aniya rito ay faulty electrical wiring ang sanhi at wala namang nadamay na mga election paraphernalia.

Sa inisyal na imbestigasyon, madaling araw kahapon nang maganap ang sunog sa Ruminimbang Elementary School sa Brgy. Ruminimbang, Barira, Maguindanao.

Kung saan nasa ilalim ng red category o election area with grave concern ang naturang barangay.

Nasunog din ang Dalican Pilot Elementary School sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Sur at Poorna Piagapo Central Elementary School, Lanao del Norte.

Tinitignang anggulo rito ng COMELEC ang anggulong arson at electrical connection.

Facebook Comments