Tatalima ang Philippine National Police (PNP) sa kung ano man ang ipag-utos sa kanila ng national government pagdating sa imbestigasyon sa drug war ng International Criminal Court (ICC).
Ayon kay PNP Spokesperson PCol. Jean Fajardo, suportado nila ang posisyon ng national government pagdating sa hindi pagkilala sa ICC.
May kwestyon kasi aniya ng hurisdiksyon ang ICC sa Pilipinas lalo pa’t matagal na tayong kumalas sa ICC.
Giit ni Fajardo, gumagana naman ang justice system sa bansa.
Patunay aniya rito ang mga pulis na naparusahan na matapos makitang may mga pagkakamali sa ginagawang operasyon.
Sinabi pa ni Fajardo na makipagtutulungan lang sila sa ICC kung bibigyan sila ng basbas ng gobyerno.
Matatandaang, kahapon ibinasura ng ICC ang apela ng gobyerno ng Pilipinas na itigil ang imbestigasyon sa ‘war on drugs’ noong panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na hudyat ng muling pagsulong ng kanilang pag-iimbestiga.