Walang pagtutol ang liderato ng Philippine National Police (PNP) sa panawagan ni Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos na mag-leave of absence ang mga pulis na umaresto kay Police Master Sgt. Rodolfo Mayo kaugnay ng P6.7 bilyong na halaga ng shabu na nasabat noong October 2022 sa Maynila.
Ayon kay PNP Chief PGen. Rodolfo Azurin Jr., ang paghahain ng leave of absence ng mga idinadawit na mga pulis ang pinaka mabuting hakbang para hindi maimpluwensyahan ang imbestigasyon.
Kabilang dito ang dalawang heneral at walo pang pulis na pinayuhang mag-leave of absence ni Abalos habang nakabinbin ang imbestigasyon sa 990 kilo ng shabu haul dahil sa umano’y tangkang cover-up.
Una nang lumikha ng Special Investigation Task Group si Azurin kung saan nakapagsagawa na ito ng mga case conferences at recommendations.
Kasunod nito, tiniyak ng PNP na retespetuhin nila ang anumang direktiba ng National Police Commission (NAPOLCOM) na nagsagawa ng sariling imbestigasyon sa naturang insidente.