Suportado ng Commission on Human Rights (CHR) at ilang prominenteng advocacy groups tulad ng Volunteers Against Crime and Corruption at Akbayan ang nagpapatuloy na operasyon laban sa puganteng si Apollo Quiboloy.
Ayon kay CHR Chairperson Atty. Richard Palpal-latoc pagsunod sa legal protocols at rule of law ang ginagawang pagsisilbi ng warrant of arrest ng pulisya laban kay Quiboloy.
Binigyang diin pa nito na ang bilang ng mga idinedeploy na pulis sa KOJC compound ay akma sa sitwasyon kung saan maraming tagasuporta ni Quiboloy ang pilit na humaharang sa misyon ng kapulisan.
Samantala, hinihimok naman ng VACC at AKBAYAN ang publiko na suportahan ang Pambansang Pulisya at papanagutin sa batas si Quiboloy.
Sa panig ni AKBAYAN President Rafaela David ang pagtanggi ni Quiboloy na humarap sa pagdinig sa Senado ay nangangahulugang nagtatago ito sa batas.
Si Quiboloy at 4 pang kapwa akusado nito ay nahaharap sa sexual offenses at human trafficking.
Una nang sinabi ng PNP na tuloy ang kanilang pagtugis at paghahain ng warrant of arrest laban kay Quiboloy sa kabila ng protection order na inilabas ng korte sa Davao.