Suportado ng Philippine National Police (PNP) ang anumang isusulong na panukalang batas na layong mabigyan ng immediate access ang mga police investigator sa business establishments.
Ito ay kasunod ng robbery sa isang bangko sa Binondo, Manila kung saan dalawang oras naghintay ang pulisya bago makapasok.
Ayon kay PNP Chief, General Oscar Albayalde – kapag may nangyaring krimen sa isang lugar, mahalaga ang oras para mahabol ang mga kriminal.
Aminado si Albayalde na problema nila ang pahirapang makapasok sa mga business establishments tulad ng mall, bangko at hotel.
Sa ibang kaso, kailangan nilang makakuha ng approval sa legal department para payagan silang makapasok.
Kinikilala nila na private properties ang mga business establishment, pero dapat agad makapasok ang mga pulis sa lugar na pinangyarihan ng krimen upang magampanan nila ang kanilang mandato.
Sa ngayon, maaari silang maghain ng kasong obstruction of justice laban sa mga humaharang sa mga police investigator.