PNP, tatalima sa utos ng korte na iharap si Alice Guo sa Senado

Susundin ng Philippine National Police (PNP) ang kautusan ng korte na paharapin si dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo sa pagdinig sa Senado sa Lunes, September 9, 2024.

Ayon kay PNP Public Information Office (PIO) chief Police Colonel Jean Fajardo, bilang pagtalima sa kautusan ng korte ay mahigpit nilang susundin ang security protocol sa pagdadala kay Guo sa Senado mula sa PNP detention facility.

Ani Fajardo, sapat na bilang ng mga pulis ang magdadala at mag-e-escort kay Guo patungo ng Senado sa Lunes.


Matatandaang kinatigan ng Capas Tarlac Regional Trial Court (RTC) Branch 109 ang hirit ni Senator Risa Hontiveros na pasiputin si Guo sa nakatakdang pagdinig ng Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality sa Lunes ganap na alas-diyes ng umaga.

Dito inaasahang gigisahin si Guo ng mga senador kaugnay ng kanyang mga nalalaman hinggil sa illegal POGO operations sa Tarlac.

Facebook Comments