Nagbigay ngayon ng paalala ang Philippine National Police Tayug dito sa Pangasinan sa mga residente ng bayan dahil sa mga nagkalat ngayon na insidente ng “Laslas Bag” sa pampublikong lugar sa bayan.
Ito ay matapos magkaroon ng sunod-sunod insidente ng nakawan sa pamamagitan ng paglalaslas sa bag ng mga kawatan sa mga mamimili.
Sa naging panayam ng IFM Dagupan kay PMaj Anastacio Sibayan Jr., sinabi nitong mayroon na umano silang mga naitatalang insidente ng ganitong uri ng pagnanakaw.
Sinabi pa nito, na noong nakaraang buwan ay mayroon umano silang nahuli na isang babae at sinabi din nito na dayo lamang ito na mula sa Nueva Viscaya.
Dahil dito ay tinitignan nila kung ito ba ay iisang grupo na nakakalat sa kanilang bayan.
Kadalasan umano sa mga nabibiktima ay mga senior citizen na walang kasama tuwing namamalengke.
Dagdag pa niya, dahil umano sa mga sunod-sunod na pangyayari ay kanila na umanong isinasagawa ang mahigpit na pag-papaalala sa mga pampublikong lugar gaya na lamang ng pag-aanunsyo gamit ang megaphone at ugaliin din umano ang pagdoble ingat sa lahat ng pagkakataon para hindi mabiktima ng mga may maiitim na balak. |ifmnews
Facebook Comments