PNP, tiniyak ang aktibong depensa sa selebrasyon ng CPP anniversary ngayong araw

Nagbigay ng tribute sa kanilang namayapang lider na si Jose Maria Sison ang Communist Party of the Philippines Central Committee.

Kasabay ito ng paggunita sa ika-54 na taong anibersaryo ng komunistang grupo ngayong araw.

Sa kanilang dalawampu’t apat na pahinang dokumento, ipinagmalaki ng CPP ang naitaguyod nilang higit 100 guerilla fronts sa iba’t ibang panig ng bansa at libu-libong local mass organization.


Kasabay nito, binatikos ng central committee ang economic at foreign policies ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., partikular ang pareho nitong mainit na pakikitungo sa Amerika at China na binansagang mga imperyalista ng CPP.

Pinuna rin ng grupo ang nagpapatuloy na opensiba ng administrasyong Marcos laban sa CPP na humantong sa mga paglabag sa karapatang pantao.

Samantala, tiniyak ng Philippine National Police na mananatili ang kanilang aktibong depensa sa gitna na rin ng pagdiriwang ng anibersaryo ng CPP hanggang sa pagsalubong ng Bagong Taon.

“Sa ngayon ay wala tayong namo-monitor na any credible and some news relating to the celebration nga po ng CPP anniversary ngayong araw. Subalit alam naman po natin na nagkaroon ng declaration ang CPP na magsasagawa sila ng mga tactical offensive kaya naman po yung ating defense posture ay mine-maintain po natin yan para hindi tayo malulusutan,” ani Fajardo sa interview ng RMN DZXL 558.

“Patuloy din ang ginagawa nating intelligence gathering and monitoring katuwang ‘yung ating Hukbong Sandatahan para siguraduhin po na tayo ay ready sa anumang gagawin nilang pagtatangka na guluhin ang ating security forces na minsan nga po ay nadadamay pa po yung mga ordinaryong sibilyan,” saad pa niya.

Nauna nang inanunsyo ng Armed Forces of the Philippines na hindi sila magdedeklara ng ceasefire laban sa CPP sa kabila ng holiday season.

Facebook Comments