Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) na magiging flexible ang pulisya sa pagpapatupad ng bagong polisiya ng gobyerno matapos na payagan nang lumabas ng bahay ang mga bata.
Noong nakaraang linggo, inanunsyo ni Presidential spokesperson Harry Roque na pinapayagan na ng Inter-Agency Task Force (IATF) na lumabas ng bahay ang mga batang edad 5 taong gulang pataas na nakatira sa mga general community quarantine (GCQ) at modified GCQ areas.
Pero maaaring itaas ng mga local government units (LGUs) ang age restriction ng mga bata depende sa COVID-19 situation sa kanilang hurisdiksyon.
Sa isang panayam, sinabi ni PNP Chief Police General Guillermo Eleazar na palaging nakikipag-ugnayan ang pulisya sa mga LGU kaugnay sa mga ipinatutupad nilang polisiya.
Pagtitiyak ng PNP Chief, mahigpit nilang ipatutupad ang maximum tolerance para masigurong walang mangyayaring pag-abuso sa panig ng mga pulis.
Samantala, nakatakdang magpulong ngayong araw ang mga alkalde sa Metro Manila para talakayin ang bagong IATF policy.