Siniguro ng Philippine National Police (PNP) na makakatanggap ng tulong ang mga pamilya ng dalawang pulis na namatay at dalawang sugatan sa pag-atake sa Parang Municipal Station sa Sulu nitong Sabado.
Ayon kay PNP Spokesperson Brigadier General Bernard Banac, maliban sa mga benepisyo mula sa PNP ay mayroon ding tulong pinansyal na matatanggap ang mga pamilya ng mga nasawing pulis mula sa President’s Social Fund (PSF).
Makakatanggap din ng medical assistance ang dalawang pulis na sugatan na ngayon ay nagpapagaling sa ospital.
Kinilala ang mga nasawing pulis na sina Patrolman Arjun Putalan at Corporal Mudal Salamat, habang ang mga sugatan naman ay sina Police Executive Master Sargent Hamid Saribbon at Police Senior Master Sargent Harold Nieva.
Sa kasalukuyan, iniimbestigahan pa ang nangyaring pag-atake at on-going ang hot pursuit operations sa tulong ng militar sa mga suspek na umano’y malaking bilang ng mga armadong lalaki na may matataas na kalibre ng baril at lumusob sa istasyon ng pulis nitong Sabado ng gabi.
Sinabi ni Banac na hindi nila inaalis ang posibilidad na may kinalaman ang Abu Sayyaf Group sa insidente.