Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) sa publiko na hindi maaabuso ang Anti-Terrorism Bill oras na maisabatas ito.
Ayon kay PNP Spokesperson Police Brig. Gen. Bernard Banac, mananatiling propesyunal at disiplinado ang mga pulis para masigurong wala silang magiging paglabag sa batas.
Sasailalim din ang organisasyon sa training katuwang ang Human Rights Affairs Office nito.
Kasabay nito, dinepensahan ni Banac ang panukala at iginiit na nais lang ng gobyerno ng balanse sa pagitan ng karapatan at kaayusan sa bansa.
Aniya, sa loob ng sampung taon, naging problemado ang PNP sa pagpo-prosecute ng mga terorista dahil na rin sa Human Security Act of 2007.
Sa ilalim ng Anti-Terror Bill, ang suspected terrorist ay maaaring ikulong nang walang warrant of arrest sa loob ng 14 na araw at maaari pang i-extend ng 10 araw.
Obligado aniya ang mga pulis na maghain ng kaso laban sa suspected terrorist sa araw na inaresto ito.
Tiniyak din ng PNP na hindi basta-basta isasailalim sa surveillance ang ordinaryong mamamayan dahil dadaan ito sa masusing pag-aaral.
Ipinaalala rin ni Banac na sa ilalim ng panukala, may karapatan ang mamamayan na maghain ng reklamo kung sa tingin nila ay nalabag ang kanilang karapatang-pantao.