PNP, tiniyak na hindi na mauulit ang malagim na sinapit ng SAF 44

Kumpyansa ang Philippine National Police na hindi na mauulit pa ang malagim na trahedya na sinapit ng SAF 44 na nasawi sa kamay ng mga terorista.

Sa ika-4 anibersaryo ng Mamasapano Massacre, sinabi ng bagong SAF Director na si Chief Supt. Clifton Empiso na marami nang reporma na nangyari sa hanay ng PNP matapos ang January 25, 2015.

Paliwanag ni Empiso, naging eye opener sa kanila ang insidente at dahil ito ay mas pinag-ibayo pa nila ang pagsasanay ng mga tauhan gayundin ang koordinasyon sa mga lugar kung saan sila may operasyon.


Kaugnay nito, nagpapatuloy sila sa pagpapalakas at nagre-recruit pa ng bagong miyembro para madagdagan ang mga tao nila hindi lang sa Mindanao, kundi pati na rin sa Visayas, Southern Luzon at Northern Luzon.

Target umano nila, mula sa 9 na batalyon ay magiging 14 na ang batalyon ng SAF.

Samantala, sa mensahe naman ni PNP Chief Oscar Albayalde, kanyang sinabi na dapat tularan ang katapangan ng SAF 44 na naglingkod sa bayan at hindi inuna ang sarili.

Binigyan nya rin ng pagkilala ang mga pamilya na naiwan ng SAF 44.

Facebook Comments