Hindi nagpabaya ang Philippine National Police (PNP) partikular na ang Police Regional Office (PRO) 2 sa kampanya laban sa illegal logging.
Ito ang inihayag ni PNP Spokesperson Brig. Gen. Ildebrandi Usana matapos sisihin ng mga residente ng Cagayan Valley ang talamak na illegal logging activities bilang sanhi ng malawakang pagbaha na naganap sa rehiyon.
Aniya, nakatanggap sila ng report mula sa Police Regional Office 2 na bago pa man ang kalamidad sa Cagayan ay aktibo ang kanilang illegal logging campaign.
Sinabi naman ng Police Regional Office 2 Regional Director PBGen. Crizaldo Nievez na sa pagpapatupad nila ng anti-logging campaign simula Pebrero hanggang sa kasalukuyang buwan, nakapagsagawa sila ng 322 operasyon kung saan 404 na illegal loggers ang naaresto, at 265 kaso ang naisampa.
Iniulat pa ni Nievez na sa mga operasyong ito ay 177,054 board feet ng lumber na nagkakahalaga ng mahigit P5-M ang narekober at 86 assorted vehicles at 62 chainsaw ang nakumpiska, maliban pa sa mahigit 1,000 chainsaw na isinuko.
Samantala, nilinaw pa ni PNP Spokesperson Col. Ysmael Yu na checkpoints lang ang minamandohan ng PNP at mga tauhan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang nagbabantay sa kagubatan ngunit hindi aniya nagkukulang ang koordinasyon ng mga pulis sa mga DENR foresters.