Mananatiling tapat sa Konstitusyon ang Philippine National Police (PNP).
Ito ang tiniyak ng Pambansang Pulisya kasunod ng natanggap na imbitasyon ni PNP chief Police General Archie Francisco Gamboa mula sa isang grupo ng taga-suporta ni Pangulong Rodrigo Duterte na nagsusulong sa panukalang revolutionary government.
Ayon kay PNP spokesperson Brig. Gen. Bernard Banac, walang pagpupulong na dinaluhan ang PNP Chief.
Aniya, walang dapat ipag-alala ang publiko dahil nananatiling tapat sa Konstitusyon ang PNP at tanging ang Saligang Batas lang ang kanilang susundin.
Nilinaw din ni Banac na hindi nila sinusuportahan ang grupo at hindi nila susuportahan ang anumang hakbang para pabagsakin ang gobyerno.
Mino-monitor na aniya ng PNP ang grupo at inaalam nila kung talagang nagkaroon ng pagpupulong.
Samantala, una nang nagpahayag ng pagtutol sa panawagang revolutionary government si Defense Secretary Delfin Lorenzana.