Siniguro ng Philippine National Police (PNP) na igagawad ang hustisya sa pagkasawi ng tatlong pulis matapos mauwi sa engkwentro ang pagsisilbi sana nila ng warrant of arrest sa Ampoan Criminal Group sa Brgy. Mahayag, Sta. Margarita, Samar kahapon ng umaga.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief Pcol. Jean Fajardo, hindi titigil ang pulisya hangga’t hindi napapanagot ang mga salarin.
Kasunod nito, tiniyak din ni Fajardo na ibibigay ang mga benepisyo ng mga nasawing pulis na sina PSSg. Christian Tallo, PCpl. Eliazar Estrelles at PMSg. Paul Terence Paclibar.
Habang sasagutin ang lahat ng gastos sa ospital nina PCpl. Rannel Pedamato, PCpl. Mark Jason I Sixta, Pat Ham Kritnere Capalis at Pat Mark C Redoblado na pawang wounded in action.
Matatandaang kahapon nang isisilbi lamang sana ng Samar Provincial Mobile Force Batallion ang mandamyento de aresto laban sa mga suspek na sina Edito Ampoan, Jojo Altarejos at Rogelio Macurol na mga myembro ng Ampoan Criminal Group nang biglang magkaroon ng sagupaan.
Sa panig ng mga suspek nakaaresto ang mga awtoridad ng apat na unidentified suspects kung saan nakumpiska rin ang ilang matataas na kalibre ng baril.
Sa ngayon, nagpapatuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng Sta. Margarita PNP kung saan lahat ng kanilang istasyon sa Samar ay inilagay na sa alert status at inatasan na rin ang pagkakaroon ng checkpoints.
Mayroon na ring ipinakalat na karagdagang pwersa sa lugar tulad ng 804th at 805th ng Regional Mobile Force Battalion.