Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) na kanilang iva-validate ang umano’y pamemeke ng ilang death certificates na inisyu para sa mga biktima ng war on drug campaign sa bansa.
Ito ay matapos ibunyag ni Dr. Raquel Fortun na pito sa 46 na biktima ng drug war ay natural death ang ikinamatay pero matapos suriin ay nalaman niyang binaril ang mga ito.
Ayon kay PNP Spokesperson Police Colonel Jean Fajardo, nirerespeto ng PNP ang independent findings ng forensic expert na si Fortun.
Pero maaari lamang aniya maglabas ng pahayag ang PNP hinggil sa usapin pagkatapos nila itong ma-validate.
Gayunman, handa aniya silang makipagtulungan sa anumang imbestigasyon na kinasasangkutan ng police organization.
Nauna na ring nangako si Justice Secretary Menardo Guevarra na mag-iimbestiga rin sila sa isyu.