Handang sagutin ng liderato ng Philippine National Police (PNP) ang anumang kasong isasampa ng sinumang indibidwal o mambabatas.
Ito ang tugon ni PNP Public Information Office Chief PCol. Jean Fajardo, makaraang punahin ni Senator Robinhood Padilla ang umano’y overkill at paggamit ng sobra-sobrang pwersa ng PNP sa isinagawang police operation sa Kingdom of Jesus Christ (KOJC) compound sa Davao City kamakailan.
Layon nitong isilibi ang warrant of arrest laban sa puganteng si Pastor Apollo Quiboloy at lima nitong kapwa-akusado.
Ayon kay Fajardo, laging bukas ang PNP sa anumang imbestigasyon sa Kongreso man ‘yan o sa Senado.
Kasunod nito, muling nanindigan si Fajardo sa legalidad ng ginawang sabayang pag-implementa ng arrest warrants sa KOJC compound sa Barangay Buhangin, Davao City; Prayer Mountain sa Tamayon; Glory Mountain sa Purok 6; QSands Baptismal Resort sa Samal at Kitbog Compound sa Malungon, Sarangani.
Nag-deploy aniya sila ng maraming pulis dahil inasahan na nila ang maraming bilang din ng supporters ni Quiboloy na patuloy na tumututol sa pag-aresto sa kanilang lider.
Si Quiboloy ay mayroong tatlong standing arrest warrants para sa mga kasong child at sexual abuse, human trafficking na pawang non-bailable cases.