PNP tiniyak na mabibigyan ng hustisya ang pagkamatay ng isang teenager na nabaril ng isang pulis

Siniguro ni Philippine National Police (PNP) Chief PGen. Dionardo Carlos na makakamit ang hustisya na batay sa due process sa pagkamatay ng isang 19 anyos na binata sa Pampanga matapos na mabaril ng isang pulis.

Ayon kay PNP Spokesperson PCol. Roderick Augustus Alba, inutos na ng PNP chief kay Police Regional Office (PRO) 3 Regional Director, PBGen. Matthew Baccay na magsagawa ng imbestigasyon sa insidente.

Sa ngayon nasa kustodiya ng Bacolor Municipal Police Station ang suspek na kinilalang si PCpl. Alvin Pastorin, 33 anyos, isang intel officer ng Pampanga Police Provincial Office.


Batay sa inisyal na imbestigasyon sinita ni Cpl. Pastorin ang biktima na si Abelardo Vasquez na kasama ng kanyang mga kaibigan sa isang tindahan dahil sa hindi pagsusuot ng face mask.

Dito na nagkaroon ng mainitang pagtatalo at humingi ng saklolo ang biktima sa mga kamag-anak na nag-iinuman sa lugar.

Batay sa salaysay ng mga testigo, kinukuyog ng grupo ng biktima ang pulis nang bumunot ito ng baril at pinaputukan ang biktima.

Nagpahayag naman ng pakikiramay si Gen. Carlos sa pamilya ng biktima, kasabay ng panawagan sa publiko na sumunod sa mga Health protocols kung ayaw nilang masita.

Facebook Comments