Siniguro ni Philippine National Police (PNP) Officer-in-Charge Police Lieutenant General Guillermo Eleazar na mabibigyan ng hustisya ang pagkamatay limang pulis at pagkasugat ng dalawa pa nang tambangan ng New People’s Army (NPA) sa Camarines Norte.
Ginawa ni Eleazar ang pagtiyak sa kanyang pagbisita sa Daet, Camarines Norte kahapon, para kumustahin ang mga sugatang pulis at makiramay sa mga pamilya ng nasawi.
Ang mga nasawing pulis ay nakatalaga sa 2nd Camarines Norte Police Provincial Mobile Force Company at idineploy para bantayan ang Labo-Tagkawayan Road project nang tambangan sila ng NPA sa bisinidad ng Purok 6, Barangay Dumagmang, Labo, Camarines Norte nitong Biyernes ng gabi.
Nakatanggap naman ng medalya ng sugatang magiting ang dalawang pulis na patuloy na nakipaglaban matapos na masawi ang 5 nilang kasamahan.
Nag-abot din si Eleazar ng tulong pinansyal sa mga pamilya ng mga biktima.
Matatandaang iniutos ni Eleazar sa Police Regional Office 5 at PRO 4-A na gantihan ang NPA dahil sa kanilang ginawa.
Ipinag-utos din ng opisyal ang isang imbestigasyon para matukoy kung sino ang tumulong sa mga NPA upang mapanagot ang mga ito.