Iniutos na ni Philippine National Police (PNP) Chief General Archie Francisco Gamboa kay PNP Deputy Chief for Operations at Joint Task Force COVID-19 Shield Commander, Police Lieutenant General Guillermo Eleazar na maging handa sa pagtulong sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa pamamahagi ng cash assistance sa mga lubhang apektado ng Enhanced Community Quarantine (ECQ).
Ayon kaya Gamboa, sa mga susunod na araw ay aarangkada na ang pamimigay ng cash assistance at aasahan ang presensya ng mga pulis sa pamimigay nito katuwang ng mga taga-DSWD.
Prayoridad ng PNP ang pagtiyak ng maayos at mabilis na sistema ng distribution ng cash assistance.
Tutukan rin ng PNP ang mga posibleng pagkalat ng fake news na nagdudulot ng gulo sa mga pamilyang nangangailangan ng tulong katulad nangyari sa Quezon City kamakailan kung saan nagresulta sa mass action.
Bukod sa PNP kasama rin sa Joint Task Force COVID-19 Shield ang Armed Forces of the Philippine (AFP), Coast Guard at Bureau of Fire Personnel na iinaasahang tutulong sa pamamahagi ng cash assistance.
Matatandaang inutusan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang PNP na tulungan ang DSWD sa pamimigay ng cash assistance sa mga lubhang apektado ng community quarantine.