PNP, tiniyak na may mananagot sa pagkamatay ni Gov. Degamo; balasahan sa Police Regional Office 7, asahan

Siniguro ni Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Rodolfo Azurin Jr., na mapapanagot ang mga nasa likod ng pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo at walong iba pa noong Sabado.

Ang pahayag ay ginawa ng PNP chief kasabay ng pagbibigay ng ulat sa estado ng imbestigasyon na aniya ay isang textbook example ng swift and decisive action ng Department of the Interior and Local Government (DILG), PNP leadership, Regional Special Investigation Task Group ng Police Regional Office (PRO-7) at Armed Forces of the Philippines (AFP).

Sinabi ni Gen. Azurin na ang apat na nahuling suspek ay nakikipag-cooperate sa imbestigasyon at tinutulungan na ngayon ng Department of Justice (DOJ) sa paghahanda ng kanilang sworn affidavits.


Nagbigay rin aniya impormasyon ang mga suspek na humantong sa pagkakarekober ng mga armas at kagamitan na pinaniniwalaang ginamit sa krimen.

Dahil dito, malakas aniya ang hawak na ebidensya ng PNP para maka-establish ng air tight na kaso.

Kaugnay nito, magpapatupad ang PNP ng balasahan sa PRO-7 dahil nagkaroon ng negligence o kapabayaan sa kanilang hanay na naging dahilan sa pagpatay sa gobernador at walong iba pa.

Facebook Comments