Siniguro ng Philippine National Police (PNP) ang lahat ng safeguards sa pagpayag sa mga sibilyan na bumili at mag may-ari ng mga semi-automatic rifles.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief PCol. Jean Fajardo, sa ilalim ng inamyendahang Implementing Rules and Regulations ng RA 10591 o Republic Act 10591 o Comprehensive Law on Firearms and Ammunition Regulation Act, kailangan pa rin dumaan sa mahigpit na proseso ang gun owner bago mabigyan ng License to Own and Possess Firearm.
Katulad na lamang aniya ang pagsasailalim sa neuro psychiatric exam, drug test at iba pang pagsusuri.
Bukod pa rito ang proseso ng pagkuha ng Permit to Carry Firearms Outside of Residence kung dadalhin naman ang baril sa labas ng tahanan.
Ani Fajardo, nakikita rin nila itong preventive measure laban sa pagdami ng loose firearms.
Sa tala ng PNP hanggang nitong Feb 16, 2024, mayroong mahigit 703,000 expired firearms sa bansa.