Siniguro ni Philippine National Police (PNP) Chief General Guillermo Eleazar na makakapag-deploy pa rin ng karagdagang pulis sa Maguindanao.
Ito ay matapos na pirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang batas na Republic Act No.11550 na naghahati sa Maguindanao sa dalawang probinsya, ito ay Maguindanao del Sur, at Maguindanao del Norte.
Sinabi ni PNP Chief na maglalagay sila ng panibagong provincial director at mga tauhan nito sa dalawang probinsya, at magdadagdag ng resources para sa mga pulis.
Kung dati aniya halimbawa ang isang provincial director ay tinututukan ang 20 bayan, ngayon ay maaaring 10 bayan na lamang sa bawat provincial director na makabubuti dahil mas mababantayan ng mga pulis ang kanilang area of responsibility.
Dagdag pa ni Eleazar, mas mapapalakas rin nila ang kanilang pagseserbisyo sa buong Maguindanao dahil hinati na ito sa dalawa.