
Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) na nakabantay ito sa mga posibleng manamantala sa presyo ng mga bilihin sa gitna ng tensyon sa Middle East.
Ayon kay PNP Chief General Jose Melencio Nartatez Jr., nakikipag-ugnayan na rin ang PNP sa Department of Trade and Industry (DTI) upang matiyak ang proteksyon ng mga mamimili.
Ayon pa sa kanya, nitong mga nakaraang araw ay nakapag-aresto na ang pulisya ng mga indibidwal na hindi awtorisadong nagtataas ng presyo, kaya’t hindi sila mag-aatubiling umaresto pa ng mas marami para sa proteksyon ng mga konsyumer.
Kaugnay nito, kinumpirma ng DTI na nananatiling matatag ang presyo ng mga pangunahing bilihin, ngunit maaaring magkaroon ng adjustment sa ikalawang bahagi ng April.
Dagdag pa ng DTI, nakipagpulong na rin sila sa mga manufacturer at retailer na nagsabing sapat ang suplay at imbentaryo ng mga pangunahing bilihin sa kabila ng paggalaw ng presyo ng langis.
Dahil dito, nagpaalala si Nartatez sa publiko na iwasan ang panic buying dahil nananatiling sapat ang suplay.










