Tiniyak ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) na magtutuloy-tuloy ang pagbibigay nila ng tulong sa mga nasalanta ng Bagyong Karding.
Kasabay nito, nagpahayag din ng suporta si PNP chief PGen. Rodolfo Azurin Jr., sa mga pulis na naging biktima din ng bagyo.
Ayon kay Azurin, inatasan na niya ang lahat ng mga unit commander sa mga lugar na sinalanta ng bagyo na i-check ang status ng kanilang mga tauhan.
Sinabi ni Azurin, bilang mga first responders, importante din na tiyakin ang maayos na kalagayan ng kanilang mga tauhan.
Inaantabayan na lamang nya ang damage report ng mga istasyon ng pulis na lubhang naapektuhan ng bagyo.
Kasunod nito, siniguro ng PNP chief na may sapat na pondo ang Pambansang Pulisya para maipagawa ang mga napinsala nilang pasilidad.