PNP, tiniyak na walang kinikilingang imbestigasyon sa mga pulis na dawit sa kaliwa’t kanang kaso

Siniguro ng Philippine National Police (PNP) sa publiko na kanilang ipatutupad ang patas at walang kinikilingang imbestigasyon sa mga pulis na nasasangkot sa iba’t ibang kaso.

Kasunod ito ng hatol ng korte sa limang dating pulis na sangkot sa pagkamatay ni Jemboy Baltazar.

Ayon kay PNP Public Information Office Chief PCol. Jean Fajardo, pangako nila sa taumbayan na walang pagkiling sa proseso ng imbestigasyon.


Hinimok din niya ang publiko na patuloy na magtiwala sa justice system ng bansa.

Ang pahayag na ito ay bahagi ng kanilang pagsisikap na mapanatili ang tiwala ng publiko sa integridad ng kanilang hanay at sa pamamahala ng hustisya sa bansa.

Nauna nang sinabi ng PNP na nirerespeto nila ang desisyon ng Navotas Regional Trial Court laban sa mga na-dismiss na pulis na sangkot sa pagkamatay ng binatilyo.

Magsisilbi anila itong aral at eye-opener sa mga pulis na mahigpit na sumunod sa umiiral na police operational procedures upang hindi na maulit ang naturang insidente.

Si Jemboy Baltazar ay biktima ng mistaken identity at napatay ng Navotas police noong August 2, 2023.

Facebook Comments