Tiniyak ni PNP Chief Director General Oscar Albayalde na walang mangyayaring “whitewash” sa imbestigasyon ng binuong nilang Special Investigation Task Group (SITG) hinggil sa pagpaslang kay Ako Bicol Rep. Rodel Batocabe at police escort nito.
Sa isinagawang press briefing sa Camp General Simeon Ola sa Legaspi sinabi ni Albayalde na hindi nila inaalis ang posibilidad na may kinalaman sa pulitika ang krimen.
Katunayan aniya, isang pangalan ng alkalde ang madalas umanong lumutang sa intel reports na posibleng nasa likod ng pagpatay kay Batocabe.
Gayunman, tumanggi ang PNP Chief na pangalanan ang alkalde lalo at wala pang sapat na ebidensyang magpapatunay na sangkot ito sa pamamaslang.
Aminado naman si Albayalde na nahihirapan silang makakuha ng mga karagdagang witness dahil takot magsalita ang mga tao sa lugar maski ang barangay chairman.
Una rito, anim na persons of interest na posibleng may kaugnayan sa nangyari ang iniimbestigahan na ng PNP.