Nangako si Philippine National Police Chief Police General Rommel Marbil sa Senado na ibabalik ang mga tinanggal na Davao City police na nakatalaga noon bilang security detail ni Vice President Sara Duterte.
Matatandaang binawasan ang security detail ni VP Duterte at inilipat ang mga pulis na ito sa ibang lugar kung saan 31 na lamang ang natira na pawang hindi mga kilala o hindi pamilyar ang pangalawang pangulo.
Sa pagdinig ng Senado, nakiusap si Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs Chairman Senator Ronald “Bato” dela Rosa at hiningi ang commitment ni Marbil na maibalik sa vice president ang mga pulis ng Davao City kahit hindi na maibalik ang dating bilang ng security detail nito.
Naniniwala si Dela Rosa na maituturing pa ring “high security threat” si Duterte na kailangang bigyan ng mahigpit na seguridad dahil kilala itong lumalaban sa CPP-NPA sa kabila ng pahayag naman ni Marbil na wala silang namo-monitor na threat o banta laban sa bise presidente.
Nilinaw naman ni Marbil na ang Presidential Security Command (PSC) ang nag-a-assess at may hawak ng security ng president at vice president at hindi sila sa PNP ang namili ng mga itinalagang security detail kay VP Duterte.
Magkagayunman, nakahanda aniya sila sa PNP na tumalima kung sakaling hilingin ng PSC na dagdagan pa ang bilang ng security detail ng pangalawang pangulo.