Iniimbestigahan na ng Philippine National Police (PNP) kung sinong pinakamataas na opisyal ang dapat managot sa pamamaslang kay Jemboy Baltazar na biktima ng mistaken identity sa Navotas City.
Sa Pulong Balitaan kahapon sa Kampo Krame, sinabi ni Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos Jr., na lahat kasi nang nangyari sa Navotas incident ay mali at kasalukuyang tinutukoy na ng PNP kung sino ang pinakamataas na opisyal na dapat managot sa ilalim ng doktrina ng command responsibility.
Sa kasalukuyan relieved na ang lahat ng tauhan ng Navotas City Police Sub-station 4, kasama ang 6 na pulis na direktang sangkot sa insidente.
Sasailalim din ang mga ito sa re-training upang tumatak sa mga ito ang police operational procedures.
Samantala, inamin naman ni PNP Spokesperson PCol. Jean Fajardo na talagang may kapabayaan sa naturang operasyon.
Marami din aniyang lapses o pagkukulang na kailangang sagutin ng mga sangkot na pulis.