Kinumpirma ng Philippine National Police (PNP) na hindi totoong pulis ang lalaking tampok sa isang viral video sa social media kamakailan.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief PCol. Jean Fajardo, ito ay matapos ang kanilang ginawang verification mula sa Land Transportation Office (LTO) hanggang sa Directorate for Personnel and Records Management.
Batay sa Facebook page ng uploader ng video, sinasabing nangyari ang insidente sa kahabaan ng C-5 sa Taguig City, alas-11:30 ng umaga noong Nobyembre 24.
Batay sa salaysay ng driver ng trailer truck, galit na galit siyang pinara at sinita ng lalaking nagmamaneho ng SUV dahil nagitgit niya raw ito.
Nang lumapit na ang lalaki sa kanyang sasakyan, pilit umano nitong kinukuha ang kanyang lisensya at nagpakilala pa na pulis.
Depensa ng truck driver, pilit daw nyang iniwasan ang SUV dahil sa lagi itong gumigitna sa kalsada.
Una nang sinuspinde ng LTO ang lisensya ng naturang lalaki sa loob ng 90 araw.
Paliwanag ni Fajardo, hindi maaaring magkumpiska ng lisensya ang sinumang sibilyan lalo na’t kung hindi ito bahagi ng unipormadong hanay o deputized ng LTO.
Kasunod nito, hinikayat nila ang driver ng truck na maghain ng reklamo laban sa pekeng pulis.