Puspusan ang ginagawang paghahanda ng Philippine National Police (PNP) kaugnay nang nalalapit na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) upang matiyak na magiging maayos at mapayapa ang halalan.
Ayon kay PNP Chief PGen. Benjamin Acorda Jr., tuloy-tuloy ang pakikipagpulong nila sa Commission on Elections (COMELEC), mga regional directors at iba pang concerned agencies para sa magiging latag ng seguridad.
Sa ngayon, mahigpit na binabantayan ng PNP ang mga private armed groups (PAGs) na kadalasang ginagamit tuwing eleksyon para manggulo o maghasik ng takot.
Base sa pinakahuling tala ng Pambansang Pulisya, nasa 38 ang potential PAGs kung saan 4 dito ang aktibo.
Gayundin ang pagmo-monitor sa mga loose firearms na kadalasan ding ginagamit ng mga magkakatunggali sa halalan.
Ani Acorda, umaabot na sa 48,599 loose firearms ang kanilang nakumpiska at mahigit 14,000 na indibidwal na sangkot dito ang kanilang nakasuhan.
Samantala, sa ngayon, hindi pa naglalabas ang PNP ng mga lugar na kabilang sa hotspots dahil ang Commission on Elections ang syang tutukoy sa mga ito matapos ang isasagawa nilang joint coordination meeting.