Mariing pinabulaanan ng Philippine National Police (PNP) na in-operate at pinatay nila ang isang Jude Thaddeus Fernandez na labor organizer ng Kilusang Mayo Uno (KMU).
Ayon kay PNP PIO Chief PCol. Jean Fajardo, noong nagsagawa ang CIDG ng police operation sa Binangonan, Rizal noong September 29, subject ng mandamyento de aresto ay si Oscar Dizon alyas Ka Igme.
Aniya, si Ka Igme ay matagal nang miyembro ng central committee ng CPP-NPA na sya ring asawa noong dating nahuling rebelde sa Mabalacat, Pampanga noong April 2022.
Paliwanag ni Fajardo, taliwas ito sa iprinotesta ng grupo kahapon sa Kampo Krame na humihingi ng hustisya sa pagpatay umano ng mga otoridad kay Fernandez.
Giit pa ni Fajardo, base sa nakuhang mga ID sa crime scene, nakapangalan ito kay Oscar Dizon at hindi kay Jude Thaddeus Fernandez.
Si Dizon ay sinilbihan ng WOA dahil sa kasong murder pero ito ay nanlaban kung kaya’t napilitan umano ang mga pulis na depensahan ang kanilang sarili dahilan nang kanyang pagkamatay.