Nag-deploy ang Philippine National Police (PNP) ng mga tauhan para umasiste sa mga motoristang naiipit sa mabigat na daloy ng trapiko sa kahabaan ng Rolando Andaya Highway sa Camarines Sur.
Ayon kay PNP Chief, PGeneral Rommel Francisco Marbil, karagdagang personnel mula sa Highway Patrol Group ang kanilang ipinakalat para umagapay sa mga motorista bente kwatro oras.
Ani Marbil nagpapatupad ng 30-minute interval scheme ang PNP HPG, kung saan salitan ang mga sasakyan mula sa magkabilang direksyon na pinadadaan na malaking tulong sa pagbabawas ng traffic congestion.
Nagbibigay din aniya ng seguridad ang PNP sa mga kagamitan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na ginagamit para sa nagpapatuloy na road rehabilitation.
Maliban dito, nagpapatupad din ng diversion routes para sa mga light vehicles.
Kasunod nito, tiniyak ni Marbil na magtutuloy tuloy ang PNP sa pakikipagtulungan sa DPWH, Land Transportation Office at local government units upang matiyak na magiging maayos ang daloy ng trapiko sa naturang lugar.
Nabatid na umaabot sa 18 to 20 hrs ang byahe ng bus mula Manila patungong Legazpi, Albay.